Laro sa Martes
(Mall of Asia Arena,
Pasay City)
2 p.m. Arellano vsSBC (Jrs)
4 p.m. Letran vs SBC (Srs)
MANILA, Philippines – Dinala uli ng mga sinasandalan na sina Kevin Racal, Mark Cruz at Rey Nambatac ang Letran Knights para kunin ang 94-90 panalo sa San Beda Red Lions sa pagbubukas ng 91st NCAA men’s basketball kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umabot sa 12,825 ang taong nanood at kasama rito si Pambansang Kamao at Knights team manager Manny Pacquiao at hindi siya ipinahiya ng mga Knights na nakitaan ng tibay ng dibdib matapos ang huling tabla sa 85-all.
May career-high na 28 puntos si Racal at ang kanyang dalawang free throws at follow-up sa sariling mintis ang nagbigay sa Letran ng 89-85 bentahe.
Tatlong free throws sa dalawang magkahiwalay na plays ni Cruz ang nagtulak sa kalamangan sa lima, 92-87, pero naipasok ni Dan Sara ang isang triple para tapyasan ito sa dalawa, 92-90 sa huling 10.8 segundo.
Si Nambatac ang kumuha ng bola at sa di maintindihang depensa ni Baser Amer, ay naiwan niyang bukas ang baseline na inatake ng Letran player tungo sa pantiyak na panalong buslo.
Inamin ni coach Aldin Ayo na tumaas ang morale ng mga manlalaro ang panonood ni Pacquiao.
“It was timely that Manny was there to watch our game. The players felt elated with his presence,” wika ni Ayo na sandali rin lamang ipagdiriwang ang tamis ng nakuhang panalo na naglapit sa koponan sa isang hakbang para makatikim uli ng kampeonato sa huling 10 taon.
Si Nambatac ay may 18 puntos, si Cruz ay may 17 habang si Mcjour Luib ay naghatid pa ng 16 puntos para sa dagdag na suporta sa kanilang ‘Big Three’.
Nagtagumpay naman ang San Beda Red Cubs na lumapit sa isang panalo para masungkit ang makasaysayang ikapitong titulo sa juniors division sa 76-68 panalo sa Arellano Braves sa unang laro.
Letran 94- Racal 28, Nambatac 18, Cruz 17, Luib 16, Sollano 9, Quinto 4, Balagasay 2, Apreku 0, Calvo 0.
San Beda 90- Adeogun 23, Koga 10, Sara 10, Soberano 9, Amer 8, Tankoua 8, dela Cruz 7, Tongco 5, Mocon 4, Sorela .4, Presbiterio 2, Cabanag 0, Reyes 0.
Quarterscores: 22-21; 39-41; 61-62; 94-90.