Hotshots may bentahe sa pagharap sa Painters

Rain or Shine mentor Yeng Guiao (kaliwa), Star Hotshots coach Jason Webb  

MANILA, Philippines – Lalabanan ng Rain or Shine ang Star na wala ang combo guard nilang si Paul Lee.

Sinabi ni Elasto Pain­ters' coach Yeng Guiao na nagkaroon si Lee ng slight meniscal tear sa kanyang kaliwang tuhod at hindi makikita sa aksyon sa pagsagupa nila sa Hotshots.

Nakatakdang labanan ng Rain or Shine ang Star ngayong alas-7 ng gabi matapos ang opening ceremonies sa alas-5 ng hapon sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ipinagpaliban ang laban ng Rain or Shine at Star noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum dahil sa pananalasa ng bagyong 'Lando'.

Dahil magkaiba ang ticketing system ng Smart Araneta Coliseum at ng Mall of Asia Arena ay ire-refund ng PBA ang mga nabiling tiket para sa PBA opener sa Big Dome.

Ayon kay Guiao, dalawang buwan o halos sa kabuuan ng elimination round hindi niya magagamit si Lee kaya aasahan niya sina Jeff Chan, Chris Tiu at Gabe Norwood.

Kumpiyansa rin si Guiao na mapapakinaba­ngan nila ang rookie Fil-Nigerian na si Maverick A­hanmisi at si Don Trollano.

Itatampok ng Hotshots ang rookie coach na si Jason Webb, pumalit kay two-time PBA Grand Slam champion mentor na si Tim Cone na inilipat sa Ginebra Gin Kings.

Sa opening ceremonies ay ipaparada naman ng mga koponan ang ka­nilang mga muses na sina Ateneo volleyball star Alyssa Valdez (Talk 'N Text), La Salle volleyball player Mika Reyes (Barako Bull), Miss Global International 2014 second runner-up Catherine Almirante (Star), Mutya ng Pilipinas 2015 first runner-up Julie Ann Marie Bourgoin (Rain or Shine), Max Collins (Blackwater), Jinkee Pacquiao (Mahindra), ang magkakapatid na triathletes na sina Sam, Tara at Chezka Borlain (Alaska), singer/actress Arci Munoz (Ginebra), volleyball stars Rachel Ann Daquis at Fil-Am Alexa Micek (San Miguel), artist Karylle (Globalport), Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa (NLEX) at actress Eula Caballero (Meralco).

Show comments