Dahil kay ‘Lando’, PBA opening kinansela

MANILA, Philippines – Walang nagawa ang Philippine Basketball Association sa matinding pana­nalasa ng bagyong ‘Lando’ kundi ang ipagpaliban ang kanilang season opener kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ayon kay PBA Commissioner Chito Narvasa, mas inaalala nila ang kaligtasan ng mga baketball fans.

“The PBA decided to postpone (yesterday’s) season opener due to bad weather. Instead we shall have our formal opening on Wednesday with the same game to be played. The safety of our people is our priority,”  wika ni Narvasa.

Mula sa Smart Araneta Coliseum ay ililipat ang 41st PBA season opening sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Itatampok pa rin ang sagupaan ng Star, ipaparada ang bagong coach na si Jason Webb at ng Rain or Shine para sa pagsisimula ng PBA Philippine Cup.

Dahil magkaiba ang ticketing system ng Smart Araneta Coliseum at ng Mall of Asia Arena ay ire-refund ng PBA ang mga nabiling tiket para sa PBA opener sa Big Dome.

Ang mga laro naman sa Miyerkules ay ililipat ng petsa.

Nakatakda sana ang upakan ng Barako Bull at ng Mahindra sa alas-4:15 ng hapon kasunod ang salpukan ng Ginebra at Meralco sa alas-7 ng gabi.

Dahil sa pagbabago ng petsa ng pagbubukas ng PBA season ay maaaring maapektuhan ang pagparada ng mga muses na sina Ateneo volleyball star Alyssa Valdez (Talk ‘N Text), La Salle volleyball player Mika Reyes (Barako Bull), Miss Global International 2014 second runner-up Catherine Almirante (Star), Mutya ng Pilipinas 2015 first runner-up Julie Ann Marie Bourgoin (Rain or Shine), Max Collins (Blackwater), Jinkee Pacquiao (Mahindra), ang magkakapatid na triathletes na sina Sam, Tara at Chez­ka Borlain (Alaska), singer/actress Arci Muñoz (Ginebra), volleyball stars Rachel Ann Daquis at Fil-Am Alexa Micek (San Miguel), artist Karylle (Globalport), Miss Universe Philippines 2014 MJ Lastimosa (NLEX) at actress Eula Caballero (Meralco).

Show comments