PBA 41st season di-dribol ngayon Webb bibinyagan ng Painters
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. opening ceremonies
5:15 p.m. Rain or Shine vs Star
MANILA, Philippines – Itatampok ng Star ang bago nilang coach na si Jason Webb, habang ilang dating kamador ng Rain or Shine ang hindi na makikita sa kanilang bench simula ngayong 41st season ng PBA.
Magkikita ang Hotshots at ang Elasto Painters sa ganap na alas-5:15 ng hapon matapos ang makulay na opening ceremonies sa alas-3 sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ilipat ng San Miguel Corporation si two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa Barangay Ginebra ay iniluklok naman ang dating PBA guard na si Webb.
Bagama’t naging matagumpay ang ipinatupad na ‘Triangle Offense’ ni Cone, sinabi ni Webb na may iba siyang sistemang gagawin para sa kampanya ng Hotshots.
“We’re running something different,” wika ni Webb. “We have some ideas from the triangle, and you’re going to see some of it, but overall, it’s a little different.”
Maliban kay Cone, lumipat din sa Gin Kings si Joe Devance.
Kaya naman aasahan ni Webb para sa Star sina two-time PBA Most Valuable Player James Yap, PJ Simon at Gilas Pilipinas mainstay Marc Pingris.
Magbabalik naman sa line-up ng Hotshost si Ian Sangalang na nagkaroon ng ACL injury.
Sa panig ng Rain or Shine, nawala sa kampo ni mentor Yeng Guiao sina Ryan Araña (San Miguel), Jervy Cruz (Barako Bull) at Jonathan Uyloan (Globalport), samantalang nagretiro si guard TY Tang.
- Latest