Alcantara pinatalsik ng Spaniard netter Ubos ang Pinoy
MANILA, Philippines – Ginawa ni Francis Casey Alcantara ang lahat ng puwedeng gawin ngunit kulang pa rin ito para tapatan ang karanasan ng 353rd ranked player na si Enrique Lopez-Perez ng Spain na pumalo ng 6-3, 6-3 straights sets panalo sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 quarterfinals kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
“Sobrang galing talaga,” wika ni Alcantara na huling Filipino netter na namaalam sa palarong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOST at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Nagpakawala ng 14 service aces si Lopez-Perez at isang beses lamang na na-break sa larong tumagal ng isang oras at 11 minuto.
“I expect a touch much and I just focused on my game,” wika ni Lopez-Perez na makakalaro sa semifinals si fourth seed Arata Onozawa ng Japan na umani ng 6-1, 6-1 panalo kay Kunal Anand ng India.
May anim na aces naman si Alcantara pero nagtala siya ng mga unforced errors at may limang double faults.
Nagkaroon ng magandang panimula si Alcantara sa second set nang na-break si Lopez-Perez at hinawakan pa ang 30-love sa second game.
Pero kumawala ang magandang palo ng Filipino netter at ang double fault ang nagbigay ng panalo sa Spaniard.
“Sayang dahil turning point na sana iyon. Pero masaya ako dahil at least naka-wildcard ako at ang nakuha kong experience ay dadalhin ko kung makasali ako sa tournament sa Cambodia sa November at sa Qatar sa December,” dagdag ni Alcantara.
Tinalo ni third seed Kento Takeuchi ng Japan si Yu Cheng-yu ng Chinese Taipei, 6-4, 7-6 (5) at makakalaban niya ang kababayang si Makoto Ochi na umani ng 5-7, 6-2, 6-1 panalo sa isa pang Hapon na si Katsuki Nagao.
- Latest