Manila North sasabak na sa FIBA 3x3 World Tour

MANILA, Philippines – Bubuksan ng Manila North ang kampanya sa 2015 FIBA 3x3 World Tour sa Abu Dhabi, UAE laban sa Kranj ng Slovenia at Doha ng Qatar ngayon.

Si FIBA-Asia veteran Calvin Abueva ay makiki­pagtulungan kina Karl Dehesa, Troy Rosario at Vic Manuel para bigyan ng ningning ang pangalawang sunod na paglalaro ng Pilipinas sa kompetisyon.

Nasa Pool D ang Pilipinas at ang laro laban sa Slovenia ay itinakda sa ganap na ala-1:20 ng hapon (9:20 a.m. sa Manila) habang ang laro laban sa Qatar ay dakong alas-3:10 ng hapon (12:10 p.m. Manila time).

“Gagawin namin ang lahat ng makakaya para bigyan ng karangalan ang Pilipinas,” wika ni Abueva bago umalis ang koponan kamakalawa.

Bibitbitin ni Abueva ang magandang ipinakita sa FIBA-Asia nang nakasama siya sa Gilas Pilipinas na umani ng pilak sa nasabing kompetisyon. (AT)

Show comments