DOHA, Qatar - Hindi pinalad si Rogen Ladon sa hangaring makakuha na ng puwesto sa 2016 Rio Olympics nang natalo sa semifinals laban kay Vasili Egorov ng Russia sa AIBA World Championships dito.
Nakipagsabayan ang 21-anyos na si Ladon kay Egorov at puwede rin siyang nanalo sa ipinakita.
Pero ang mga hurado mula Cuba, Great Britain at Mongolia ay nagdesisyon na ibigay sa number four seed na Ruso ang 29-28 panalo.
Bunga nito ay nakontento ang 17th seed sa light flyweight division na si Ladon sa bronze medal na malaking karangalan na rin sa bansa.
Tinalo ni Ladon ang number one seed na si Joselito Velazquez Altamirano ng Mexico para makapasok sa semifinals.
Si Eumir Felix Marcial ang ikalawang boksingero ng bansa na lumaban sa prestihiyosong kompetisyon dahil sila lamang ang nakapasa sa Asian Boxing Championships sa Thailand na nakasungkit ng pilak na medalya.
Pero hanggang quarterfinals lamang ang inabot ni Marcial nang natalo siya sa number one ranked welterweight na si Danniyar Yeleussinov ng Kazakhstan.
Nalungkot si ABAP president Ricky Vargas sa nangyari pero masaya pa rin dahil ginawa nina Marcial at Ladon ang lahat para bigyan ng karangalan ang bansa.
“The challenge is to rise, pick up from where they left off and learn and fight another day. They garnered valuable experience and respect with their performance in Doha. I’m sure Ladon and Marcial will do better in the future as they have two more chances to get to Rio. My best to you all,” wika ni Vargas.
Ang huling dalawang Rio Olympics qualifying tournaments para sa kalalakihan ay ang Final AOB qualifiers sa Azerbaijan sa Hunyo at sa APB/WSB qualifiers sa Mayo sa Bulgaria.
Isasabak ng ABAP sa APB/WSB sina lightweight Charly Suarez at light flyweight Mark Anthony Barriga.
Samantala, nakatakda naman ang qualification tournament para sa kababaihan sa Enero ng susunod na taon sa Aztana, Kazakhstan.