MANILA, Philippines – Gumanda pa ang pagnanais ng Pilipinas na gawin sa bansa ang 2016 World Women’s Club Championship nang magpahayag ng suporta sa plano ang mga stakeholders ng volleyball sa bansa.
Sa pagpupulong na ginawa kamakailan kasama si FIVB executive board member Stav Jacobi ay nangako ang Philippine SuperLiga (PSL), Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI) at TV5 na gagawin ang lahat para makuha ng bansa ang hosting ng kompetisyon sa Oktubre.
Bukod sa Pilipinas ay nag-bid din ang Istanbul, Turkey pero nasabi ni Jacobi na mas maganda ang tsansa ng bansa na makuha ito dahil nais ng international volleyball body na sa Asia ito ganapin.
“Mr. Jacobi laid down all the FIVB requirements and all the stakeholders involved are willing to comply,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Kasama sa sinabi ni Jacobi ang P100 milyong pondo na kailangan at wala itong problema sa mga stakeholders dahil may sapat na panahon pa para makapaghanda at makakuha ng mga sponsors.
Ang mga bansang Brazil, Russia, Turkey, Italy, Serbia at US ang mga darating para bumuo sa walong koponan na magtatagisan sa loob ng 10 araw.
Si PSL chairman Philip Ella Juico ay dumalo rin sa pagpupulong bukod pa kina LVPI vice president Peter Cayco at TV 5 head Vincent “Chot” Reyes.
Nakita na rin ni Jacobi ang Mall of Asia Arena sa Pasay City na siyang
pagdarausan ng kompetisyon at ang Solaire Resort and Casino at Sofitel Philippine Plaza Hotel na siyang tutuluyan ng mga bisita na pasado sa panlasa ng FIVB official. (AT)