San Beda wagi sa Letran

   Kinuyog ng mga Knights si Arthur Dela Cruz ng Red Lions sa NCAA. Joey Mendoza

MANILA, Philippines –  Suwerte ang hatid ng numerong 13 para sa San Beda Red Lions dahil hindi lamang nagawa nilang ipasok ang sarili sa Final Four kundi inangkin na rin ang ‘twice-to-beat’ advantage sa 77-73 panalo laban sa Letran Knights sa 91st NCAA men’s basketball ka­gabi sa The Arena sa San Juan City.

Binigyan ni AC Soberano ang Red Lions ng mala­king tulong mula sa bench sa first half upang tapusin ang 18-game elimination bitbit ang 13-5 baraha.

Lamang pa ng 15 puntos ang 5-time defending champions, 74-59, nang makadikit ang Knights sa 73-77 sa 23.8  segundo sa orasan.

Nakakuha ng break ang Knights dahil natawagan ng 24-seconds violation ang Red Lions pero mintis ang mahalagang tangkang triple ni Cruz.

Kailangan ng Knights (12-5) na manalo sa Perpe­tual Help Altas sa Biyernes para makuha ang ikalawa at huling ‘twice-to-beat’ bonus sa Final Four.

Nakahirit naman ng playoff ang Arellano Chiefs sa sinungkit na 12 panalo matapos ang 18 laro sa pa­mamagitan ng 98-90 ta­gumpay sa Emiliio Aguinaldo College Generals, ha­bang kinuha ng Mapua Cardinals ang 77-72 pana­lo sa St. Benilde Blazers pa­ra manatiling buhay ang paghahabol ng playoff . (AT)

Show comments