CHANGSHA, China – Ginamit ang kanilang katangkaran at matinik na pagbuslo sa laban, pinabagsak ng China ang Gilas Pilipinas, 78-67, para pagharian ang 2015 FIBA Asia Championship kagabi rito sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Ibinulsa rin ng mga Chinese, sinibak ang da-ting kampeong Iranians sa semifinals, ang nag-iisang tiket para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ang Gilas Pilipinas, Iran at Japan ay maaari pa ring makasikwat ng Olympic berth kung maghahari sa alinman sa tatlong World Qualifying Tournaments sa Hulyo 4-10, 2016 sa tatlong bansa.
Ang 18 qualifiers ay hahatiin sa tatlong grupo na may tig-anim na koponan para sa tatlong WQT ilang linggo bago ang Rio Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21 na bubuo sa 12-team tournament.
Maliban sa China at nagdedepensang United States, ang iba pang maglalaro sa 2016 Olympics ay ang AfroBasket champion na Nigeria, Fiba Americas titlist na Venezuela at runner-up Argentina, EuroBasket king na Spain at runner-up Lithuania, host Brazil at Australia.
Huling nakamit ng Gilas Pilipinas ang bentahe sa 15-10 bago ang 11-0 atake ng Chinese para ilista ang 21-15 abante patungo sa 46-35 kalamangan sa halftime. At mula rito ay hindi na nakalapit ang Nationals sa Chinese.
Bago ang laro ay gumamit muna ang China ng delaying tactics.
Inakusahan ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang China ng pagpapaantala ng bus ng Gilas Pilipinas patungo sa stadium at ang pagkakait ng tiket sa Gilas coaching staff.
Sa unang laro, tinakasan ng Iran ang Japan, 68-63, para sikwatin ang third place trophy.
Umiskor si Nikkhah Bahrami ng 35 points para pamunuan ang mga Iranians.