MANILA, Philippines - Halos araw-araw ay pinapanood ni dating two-division world champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang mga fight tapes ni Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez para mapag-aralan ang bawat galaw ng Nicaraguan world flyweight titlist.
Hangga’t maaari ay ayaw ni Viloria, nagdadala ng 36-4-0 win-loss-draw ring record kasama ang 22 KOs, na magkaroon siya ng pagkakamali sa gabi ng kanilang upakan ni Gonzalez (43-0-0, 37 KOs).
“I don’t think Chocolatito has ever fought a guy who can hit as hard as me, and I’m a bit faster than the others he’s fought,” sabi ni Viloria kay Gonzalez.
Pipiliting agawin ng 34-anyos na si Viloria sa 28-anyos na si Gonzalez ang hawak nitong World Boxing Council flyweight belt sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Kumpiyansa ang Fil-American fighter na tatalunin niya si Gonzalez kasabay ng pag-agaw sa suot nitong WBC flyweight crown.
“I think I present a bit of a challenge for Chocolatito in this fight. I have the experience. I’ve been in big battles, big fights and I don’t think Chocolatito has ever fought a guy like me,” wika ni Viloria.
Matapos maagaw ang kanyang mga suot na WBA at WBO flyweight belts ni Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang ipinoste ni Viloria na tinampukan ng tatlong knockouts.
Ang huling pinabagsak ni Viloria ay si dating world title challenger Omar Soto sa first round noong Hulyo 25 sa Hollywood, California.