MANILA, Philippines - Hanggang wala pang pirmahang nangyayari sa kanilang fight contract ay hindi pa rin magiging opisyal ang bakbakan nina Manny Pacquiao at Briton star Amir Khan.
Kung hindi mapaplantsa ang naturang laban sa Pebrero ng susunod na taon ay may mga pangalan pang puwedeng pagpilian si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Isa sa maaaring labanan ni Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) ay si Lucas Matthysse (36-3-0, 34 KOs) ng Argentina.
Sinabi ni Arum na kung mananalo si Matthysse laban kay Victor Postol (27-0-0, 11 Kos) ng Ukraine sa Linggo para sa bakanteng WBC light welterweight title sa Linggo sa StubHub Center sa Carson, California ay posible niya itong itapat kay ‘Pacman’.
“He’s an exciting guy and he’s gotten a lot of exposure and he would assure everybody that it would be a very exciting match,” sabi ni Arum kay Matthysse na kilalang walang inuurungan.
Sakaling maitatakda ang laban nina Pacquiao at Matthysse ay gagawin ito sa 144-pound catchweight.
“We would do it like at 144-pound catchweight. Manny’s not a true welterweight,” wika ni Arum.
Hangad din ni Matthysse makalaban ang mga kagaya ni Pacquiao.
“My inspiration is to be a world champion, to fight the best fights. That’s inspiration for me,” sabi ng Argentinian boxer.
Inamin ni Arum na may negosasyon nang nangyayari sa kanila ng kampo ni Khan (31-3-0, 18 KOs).
Subalit iginiit na hindi pa ito napapanalisa.
“There’s certainly have been discussions with him but I wouldn’t say he’s the frontrunner,” paglilinaw ng pamosong promoter.
Bukod kina Khan at Matthysse, ang iba pang nasa listahan ni Arum para sa susunod na laban ni Pacquiao ay sina Kell Brook (35-0-0, 24 KOs) at Terence Crawford (25-0-0, 17 KOs).
Noong Lunes ay sumailalim si Pacquiao sa isang MRI para sa inoperahan niyang kanang balikat.
Nangako si Pacquiao na kaagad niyang ipapadala ang naturang resulta ng MRI kina Arum at surgeon Neal ElAttrache ng Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los Angeles.
Ayon kay Arum, kailangan muna niyang makita ang MRI result ni Pacquiao bago ayusin ang susunod na laban ng Filipino boxing superstar.