Bombers, Altas lalapit sa Final 4

Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)

10 a.m. – Perpetual Help vs San Sebastian (jrs)

12 n.n. – Jose Rizal vs Lyceum (jrs)

2 p.m. – Perpetual Help vs San Sebastian (srs)

4 p.m. – Jose Rizal vs Lyceum (srs)

MANILA, Philippines – Ilalapit ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang sarili para sa puwesto sa Final Four, habang manatiling nasa ikatlong puwesto ang nais ng Perpetual Help Altas sa 91st NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.

May 10-6 baraha ang Heavy Bombers at kasalo ang mga pahingang Mapua Cardinals at Arellano Chiefs sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.

Kalaro ng tropa ni coach Vergel Meneses ang talsik ng Lyceum Pirates sa alas-4 ng hapon.

Masasabing maganda ang tsansa ng Heavy Bom­bers na makaabante dahil mga talsik na koponan ang kanilang huling dalawang asignatura.

Ang sibak nang San Sebastian Stags ang huling laro ng Jose Rizal sa Oktubre 2.

Galing sa apat na sunod na panalo ang Heavy Bom­bers at ang huling dalawang tagumpay ay naiposte kontra sa matitikas na Letran Knights (86-80) at Perpetual Help Altas (62-60).

Dahil sa magandang mga panalo kaya’t umaasa si Meneses na hindi magkukumpiyansa ang kanyang mga alipores dahil mga talsik na sa kompetisyon ang sunod na makakalaban.

Asahan din ang mas ibayong paglalaro mula sa Altas laban sa Stags sa unang laro sa alas-2 ng hapon.

Sa 11-5 karta, kailangan nilang manalo para dumikit pa sa San Beda Red Lions at Knights na magkasalo sa unang dalawang puwesto sa 12-4 baraha.

Magiging mapaminsala kung matatalo pa ang Altas da­hil mabibigyan nila ng pagkakataon na tumabla ang Hea­vy Bombers sa ikatlo at apat na puwesto kung mag­wagi ang JRU.

Show comments