Labanan sa 3rd place tatapusin na ng Lady Tamaraws at Generals

Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)

12:45 p.m.  FEU vs UST (Game 2 battle-for-third V-League)

3 p.m.  EAC vs NCBA (Game 2 battle-for-third Spikers’ Turf)

MANILA, Philippines – Hindi na pakakawalan ng FEU Lady Tamaraws at Emilio Aguinaldo College Generals ang pagkakataon na masilo na ang ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng battle-for-third place sa pagbabalik ng Shakey’s V-League at Spikers’ Turf ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Sasandalan ng napatalsik na kampeon Lady Tamaraws ang 25-17, 25-17, 10-25, 25-20 panalo sa Game One para tuluyang mangibabaw sa UST Tigresses sa kanilang pagtutuos sa ganap na alas-12:45 ng hapon.

Aasahan uli ng Lady Tamaraws ang lakas nila sa pag-atake para makopo na ang ikatlong puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.

Pihadong mag-a-adjust ng laro ang Tigresses para maihirit ang deciding Game 3  sa Oktubre 3.

Ang mga guest players na sina Jovelyn Gonzaga at Honey Royse Tubino bukod pa kina Bernadeth Pons at Remy Palma ang mga aasahan sa FEU at ipantatapat sa kanila ng UST sina Pamela Lasti­mosa, Ennajie Laure at Carmela Tunay.

Ulitin ang 25-18, 25-12, 25-14 panalo sa u­nang pagkikita ang nais ng E Generals spikers laban sa NCBA Wildcats sa kanilang pagtutuos sa Spikers’ Turf dakong alas-3 ng hapon.

Si Howard Mojica na nagtala ng 11 kills, 9 aces at isang block, ang hahataw uli para sa Generals upang hindi na magkaroon ng komplikasyon ang paghahangad ng pangatlong puwesto sa liga.

Show comments