LILLE, France – Inangkin ng Spain ang European basketball championship title nang talunin ang Lithuania, 80-63 tampok ang double-double ni tournament MVP Pau Gasol.
Humakot ang 35-anyos na Chicago Bulls center na may dalawang NBA championship rings sa Los Angeles Lakers, ng 25 points, 12 rebounds, 4 assists, 3 blocked shots at 1 steal para hirangin bilang Most Valuable Player.
“It was an incredible championship,” sabi ni Gasol. “We went through struggles early on but the team responded well and with our backs to the wall we understood that we had to play better defense.”
Ito ang ikatlong titulo ng Spain sa nakaraang apat na torneo matapos makuntento sa bronze medal noong 2013.
Nakamit naman ng Lithuania ang kanilang pangalawang sunod na runner-up finish makaraang mabigo sa France sa finals noong 2013.
Dahil sa kanilang pagpasok sa finals ay kapwa nakamit ng Spain at ng Lithuania ang tiket sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Sa harap nina King Felipe VI at tennis star Rafael Nadal, kaagad na kinuha ng mga Spaniards ang 13-point lead sa first quarter at hindi na nilingon pa ang mga Lithuanians.
Tinalo naman ang France ang Serbia, 81-68 para sa bronze medal.