MANILA, Philippines – Nararamdaman ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na ang Gilas Pilipinas ay may kakayahang makapaglaro sa Rio de Janeiro Olympics sa 2016.
“My expectation is we’ll make the finals,” wika ni Pangilinan sa mga mamamahayag na sinaksihan ang huling ensayo ng koponan sa Meralco Gym kahapon.
“My wish is that the team could make it to Rio which means winning the FIBA qualifying,” dagdag nito.
Ang koponang hawak ni coach Tab Baldwin ay naghahanda para sa FIBA Asia Men’s Championship sa Changsha, China na sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
Isang qualifying event ito para sa Rio Olympics pero ang tatanghaling kampeon lamang ang magkakaroon ng agarang tiket sa 2016 Games.
Ang papangalawa at papangatlo ay mabibigyan ng pagkakataon na sumali sa World qualifying sa susunod na taon.
Mataas ang kumpiyansa ni MVP dahil nakikita niya sa mga piniling manlalaro ang dedikasyon na bigyan ng karangalan ang Pilipinas sa number one sport sa bansa.
“I think they’re mighty proud of playing for the Philippine team and the country. That’s important,” wika pa ni Pangilinan. “These guys are enthusiastic. I think that’s worth a lot. They don’t treat it as a job or like they’re persuaded or forced to play for the national team. It’s just that they really wanted.”
Sa Setyembre 29 darating ang sportsman/businessman na si Pangilinan para mapanood ang mahalagang laban sa pagitan ng Gilas at Iran.
Para bigyan pa ng motibasyon ang mga manlalaro ay binanggit ni MVP na may gantimpalang naghihintay sa kanila kapag naisakatuparan nila ang kanilang misyon.
Hindi naman inihayag ang bonus ngunit kung pagbabasehan ang kanilang track record sa palakasan, tiyak na sulit ang sakripisyo at ang paghihirap ng mga manlalaro kapag nakuha ang ginto sa FIBA-Asia.