PHU LY, Vietnam -- Muling nakalasap ng kabiguan ang Petron matapos yumukod sa Taiwan Power ng Chinese Taipei, 25-20, 25-16, 25-9, sa 2015 AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship kahapon dito sa Ha Nam Competition Hall.
Laban sa Blaze Spikers ay ipinarada ng Taiwanese ang ilang players ng kanilang national team para kunin ang unang semifinal seat ng torneong nagsisilbing qualifier para sa 2016 FIVB World Women’s Club Championship.
Makakasama ng Taiwan Power ang mga survivors ng Bangkok Glass ng Thailand at 4.25 Sports Club of North Korea; Hisamitsu Springs ng Japan at Zhetyssu ng Kazakhstan; at Zhejiang ng China at Thong Tin Lietvietpost Bank ng host country sa semifinals.
Tuluyan namang nawalan ng tsansa ang Petron para sa korona at lalaban na lamang para sa ika-5 hanggang ika-9 na puwesto.
Makakatapat ng Blaze Spikers ang matatalo sa laro ng Kazakstan at Japan sa classification match ngayong alas-5 ng hapon.
Nagtala sina Aby Maraño, Rachel Anne Daquis at Dindin Manabat ng tig-7 points, habang may 6 markers si Brazilian reinforcement Rupia Inck Furtado.
Si Erica Adachi ay naglista ng 44 sa kabuuang 49 excellent sets ng Petron.
“We ran against a strong and powerful team,” sabi ni Petron coach George Pascua, inihahanda ang Blaze Spikers para sa darating na Philippine Superliga Grand Prix na nakatakda sa Oct. 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.