Petron Spikers giba sa Japan

PHU LY, Vietnam – Ba­gama’t natalo sa nagdedepensang Hisamitsu Seiyaku Springs ng Japan, itinuring naman ito ni Petron coach George Pascua na magandang eksperyensa.

Tinalo ng Hisamitsu Seiyaku Springs ang Blaze Spikers, 25-5, 25-16, 25-12 sa 2015 AVC Asian Club Women’s Volleyball Championship noong Martes dito sa Ha Nam Competition Hall.

Sina Serbian reinforcement Tatjana Bokan at national team mainstays Yuki Ishii at Miyu Nagaoka ang sinandigan ng Hisamitsu para talunin ang Petron, umabante sa nasabing torneo matapos pagreynahan ang nakaraang Philippine Superliga (PSL) Grand Prix noong 2014.

Kumamada si Bokan ng 13 kills at 3 blocks para tumapos na may 16 points.

Nanggaling naman ang Blaze Spikers sa straight-set victory kontra sa Iran noong Lunes ng gabi.

Humataw si Dindin Manabat ng 7 kills mula sa spikes, habang may tig-4 points sina Frances Molina at import Rupia Inck Furtado para sa Petron.

Show comments