MANILA, Philippines – Sisikapin ng Ateneo Lady Eagles na bumangon matapos lumasap ng kauna-unahang pagkatalo sa pagharap uli sa UST Tigresses sa pagtatapos ngayon ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference semifinals sa The Arena sa San Juan City.
Ito lamang ang aksyong mapapanood at magsisimula sa alas-4 ng hapon at ang magwawagi ang siyang papasok sa finals.
Nakarating na sa championship round ang National University Lady Bulldogs nang walisin ang dating kampeon FEU Lady Tamaraws.
Nakita ng Lady Eagles na natapos ang 10 sunod na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera nang lasapin ang 25-18, 16-25, 23-25, 22-25 pagkatalo sa Tigresses noong Linggo.
Si Alyssa Valdez ay mayroong 24 puntos pero iba ang ipinakita ng mga kakampi at nagkaroon din ang Ateneo ng 28 errors para matalo sa ikalawang sunod na laro na hinarap sa semifinals.
Ang Game One ay nangyari noong Sabado at nagwagi ang Lady Eagles sa 27-25, 25-16, 25-17, tagumpay.
Pero ngayong nakapahinga ang Ateneo ay inaasahang babalik ang tunay nilang laro para pagtibayin ang paghahabol sa puwesto sa championship round.
Tiyak naman na handa ang Tigresses sa ipakikitang laban ng two-time defending UAAP champion at sasandalan ang momentum para umabante pa ang number four team sa Final Four.
Ang mga beteranang sina Ennajie Laure, Carmela Tunay, Pamela Lastimosa at Marivic Meneses ang magtutulung-tulong uli pero mapapaganda ang tsansang manalo kung magpapatuloy ang suporta galing kina Jessey De Leon at Sarah Princess Verutiao.
Nagsanib ang dalawa sa 11 puntos at nagpakawala ng tig-dalawang aces para ibigay sa UST ang 12-7 bentahe sa nakatulong sa panalo.