MANILA, Philippines – Babalikan ng Philippine Basketball Association (PBA) Press Corps sa huling pagkakataon ang nakaraang season sa pagpaparangal sa mga top individual achievers at personalidad sa Annual Awards Night ngayong gabi sa Century Park Hotel.
Ang 12 awardees ay maghahati sa limelight sa paggawad ng mga PBA scribes sa kanila ng rekognisyon matapos ang 40th season ng liga.
Ang honor roll list ay pangungunahan ni Leo Austria ng San Miguel na tatanggapin ang Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year trophy makaraang igiya ang Beermen sa dalawa sa tatlong conference championships.
Si Austria ang ika-12 coach na tatanggap ng nasabing award na ipinangalan sa legendary coach na tinawag nilang ‘The Maestro’.
Ito ang una niyang Coach of the Year trophy na unang ibinigay ng PBAPC noong 1993.
Ang formal affair na inihahandog ng Smart Sports ay magsisimnula sa alas-7 ng gabi at pamamahalaan nina Sev Sarmenta at Patricia Bermudez-Hizon bilang hosts.
Tatanggapin naman ni dating chairman at Talk ‘N Text alternate governor Patrick Gregorio ang Danny Floro Executive of the Year award na isinunod sa dating Crispa team owner.
Ang bagong league commissioner na si Chito Narvasa ang magiging special guest speaker sa event na dadaluhan din nina PBA President at CEO Chito Salud, chairman Robert Non ng San Miguel pati na ng mga governors at alternates ng PBA board.