8 Pinoy cue artists sa Last 64

Inaasinta ni Warren Kiamco ang kanyang tira sa isang laro. File Photo

MANILA, Philippines – Lumakas  pa ang laban ng Pilipinas sa 2015 World 9-Ball Championship sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar nang walong cue artists ang umabante sa Last 64.

Kahapon natapos ang Group elimination at sina Warren Kiamco, Oliver Mendenilla at Johann Chua ay nanalo sa mga katunggali para umabante sa knockout round mula sa loser’s bracket.

Sina Kiamco at Mendenilla ay naglaro sa Group 5 at tinalo ng una si Shannon Ducharme ng  Canada, 9-6, habang ang huli ay umani rin ng 9-6 panalo laban kay Vegar Kristansen ng Norway.

Hinarap naman ni Chua ang batikang manunumbok ng Chinese Taipei na si Chang Jun-lin at nanalo siya sa 9-6 iskor sa Group 6.

Naunang kumuha ng puwesto sa Last 64 sina Dennis Orcollo, Carlo Biado, Antonio Gabica, Jeffrey Ignacio at Raymund Faraon nang hindi sila natalo sa ka­nilang grupo.

Kinalos ng World 8-Ball at SEA Games champion na si  Orcollo si Hosain Sa­yeem ng Bangladesh, 9-6  sa Group 13: ang dating number one player na si Biado ay nanalo kay Daniele Corrieri ng Italy sa Group 8; ang dating Asian Games gold medalist na si Gabica ay wagi kay Sinha Fahim ng Bang­ladesh, 9-6 sa Group 16; si Jeffrey Ignacio ay kuminang laban kay Jason Klatt ng Canada, 9-6, sa Group 15 at si Faraon ay pinataob si Pordel Mohammadali ng Iran, 9-4, sa Group 4.

Si Lee Van Corteza ay nakikipagtunggalian pa kay Tom Teriault ng Canada sa loser’s side sa Group 7 at balak gawing siyam ang mga aabante sa Last 64 ang manlalaro mula Pilipinas.

Show comments