May umalingasaw mula sa kampo ni Floyd Mayweather Jr.
Hindi maganda ang amoy.
Nahukay at inulat ng isang batikang manunulat mula sa America na isang araw bago nilabanan ni Mayweather si Manny Pacquiao ay tumanggap siya ng gamot at vitamins gamit ang dextrose na kung tawagin nila ay IV (intravenous).
Dehydrated daw si Floyd kaya gumamit ng dextrose.
Walang masama sa gamot na ginamit pero sa boxing pala ay bawal kang gumamit ng dextrose bago ang laban lalu na kung hihigit sa 200 ml. Umabot ng 750 ml ang kinargang Vitamin C kay Floyd.
Pag-dextrose pala ang ginamit ng isang boxer ay kaya nitong itago o sapawan ang anumang gamot na ikinarga sa kanya ng mas maaga. Kahit siguro steroids ay pwedeng maitago.
Ang masama pa nito, humingi si Floyd ng exemption mula sa United States Anti-Doping Agency para sa kanyang ginawa tatlong linggo nang nakalipas ang laban. Binigyan naman siya ng exemption ng mga padrino niya sa USADA.
Dun nagkaroon ng issue.
May itinago ba si Floyd sa laban na yun?
Dahil sabi pa ng isang expert, kung dehydration lang ang problema ay maraming mas madali at mas mahusay na paraan para maayos ito.
Pero pinili pa rin nilang gumamit ng dextrose.Wala raw masama rito ang sabi ni Floyd,
Maraming umalma, kabilang na si Pacquiao na nagsabing dapat patawan ng nararapat na parusa si Floyd ng Nevada State Athletic Commission sa paglabag nito ng batas.
Kausap natin si Bob Arum sa telepono kahapon at ang sabi naman niya ay dapat i-declare ng NSAC ang laban na no contest. Ibig sabihin, walang nanalo, walang natalo.
Hindi natin alam kung dati nang ginagawa ni Floyd ang ganito.
Kaduda-duda.