PHU LY, Vietnam-- Ipapakita ng Petron Lady Blaze Spikers ang kanilang angking galing sa pagharap sa 4.25 Sports Club ng North Korea sa 2015 Asian Club Women’s Championship ngayon dito.
Sa ganap na alas-5 ng hapon (Manila time) magsisimula ang tagisan at nais ng Blaze Spikers ang masimulan ang kampanya sa panalo para maging palaban sa titulo at ang karapatang katawanin ang kontinente sa FIVB World Women’s Club Championship sa 2016.
Nasa Pool B ang Pilipinas at bukod sa North Korea ay kasama rin nila ang nagdedepensang kampeon Hisamitsu Springs ng Japan, Azad University ng Iran at Zhejiang ng China.
Ang mangungunang apat na koponan ay sasamahan ng Zhutyssu Almaty, Bangkok Glass, Taiwan Power at Lien Viet Post Bank na nasa Pool A sa knockout round.
Sina Dindin Manabat, Rachel Ann Daquis at Aby Maraño ang mga mangunguna sa koponan at ang kanilang karanasan na nakuha sa Singapore SEA Games ay magagamit para sa hangaring tagumpay.Pinalakas ng Petron ang laban sa pagkuha sa mga Brazilian imports na sina Erika Adachi at Rupia Inck.
Isinantabi ng koponan ang pitong oras na biyahe sa pagmamagitan ng isang ensayo kahapon para matiyak na magiging maganda ang kondisyon sa unang laro.
“We haven’t seen them but we’re ready. We will try to use our experience,”wika ni Petron coach George Pascua na nakadalawang dikit na titulo sa PSL sa 2014 Grand Prix at 2015 All Filipino Conference.
Ang North Koreans ay naglaro sa 2010 Asian Games at nagkampeon sa 2015 VTV Binh Dien Women’s International Volleyball Cup noong Marso kaya’t isa ito sa mga ipinalalagay na palaban sa titulo.
Ito ang ikalawang sunod na taon na kasali ang Pilipinas sa torneo at hangad ng Petron ang mahigitan ang ikawalong puwesto pagtatapos ng PLDT Home TVolution na ginawa sa Thailand.