CEU, St. Clare muling nagpasiklab sa NAASCU cagefest

MANILA, Philippines - Tumapos ng 26 puntos at 22 rebounds si Rodrique Ebondo habang dalawang iba pa ang naghatid ng magandang numero para ibigay sa nagdedepensang kampeon na Centro Escolar University ang 83-74 overtime panalo sa Philippine Christian University sa NAASCU men’s basket­ball kahapon sa Makati Coliseum.

Naghatid pa ng 17 puntos si John Karlo Casino habang may 15 puntos si Joseph Manlangit para sa CEU na na-outscore ang PCU, 14-5, sa extention.

Ginapi ng St. Clare College ang City University of Pasay, 66-52, habang nanalo rin ang Our Lady of Fatima University sa New Era University, 104-60 sa iba pang mga laro.

Si Darwin John Lunor ay mayroong 18 puntos habang  double-double na 16 puntos at 12 rebounds ang ibinigay ni Onokeruraye Aguarra para sa Saints na nagsimulang lumayo sa kalagitnaan ng ikalawang yugto.

Tig-13 puntos ang ginawa nina Grevanni Rublico, Joseph Marquez, Jerome Juanico at Benjie Jimenez para sa Our Lady of Fatima na agad na umarangkada sa 24-2 sa unang yugto upang angkinin ang buwenamanong panalo.

Show comments