Ubas kampeon sa decathlon sa Thai Open
MANILA, Philippines - Hindi nagpahuli si Junry Ubas paghahatid ng karangalan sa Pilipinas sa 2015 Thailand Open Track And Field Invitational nang manalo siya ng ginto sa decathlon na ginawa sa Bangkok.
Matapos ang sampung events ay nakakuha si Ubas ng 6,196 puntos para mangibabaw sa dalawang Thai decathletes na may malayong 5,533 at 5,143 puntos.
Ang gintong medalya ay magandang panundot matapos maghatid ng bronze medal sa idinaos na Singapore SEA Games noong Hunyo tangan ang 6,796 puntos.
Ito na ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Thai Open matapos ang tagumpay ni Ernest John Obiena sa pole vault gamit ang bagong national record na 5.40m.
Ang ikatlo at huling atleta na isinali ng PATAFA na si Ryan Bigyan sa 400m run ay hindi pinalad na manalo ng medalya nang maorasan lamang ng 49.29 segundo para sa ikapitong puwesto sa walong nagtagisan.
Tatlo lamang ang naisali ng PATAFA sa kompetisyon dahil ang ibang kasapi ng national pool ay bumalik sa kanilang mother units sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
- Latest