MANILA, Philippines – Matapos manalo sa kanilang mga unang laro sa pagbubukas ng torneo ay paglalabanan ng apat na koponan ang liderato sa 78th UAAP men’s basketball.
Maghaharap ang La Salle at ang University of the Philippines ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng Far Eastern University at University of Sto. Tomas sa alas-4 sa Smart Araneta Coliseum.
Tinalo ng Green Achers ang nagdedepensang National University Bulldogs, 67-63, kung saan nagsalpak si Jeron Teng ng krusyal na jumper sa huling 23.6 segundo para tumapos na may 18 points.
“For me, it didn’t prove anything yet. We have to continue improving every game,” sabi ni Teng.
Umiskor naman ang Fighting Maroons ng 62-55 tagumpay laban sa University of the East Red Warriors para sa unang laro ni rookie coach Rensy Bajar.
“They must believe they can win. That’s what happened if they keep on believing they can win,” sabi ni Bajar sa UP na naglista ng 1-13 baraha sa nakaraang UAAP season.
Pinatumba naman ng Tamaraws ang Ateneo Blue Eagles, 88-64, tampok ang 19 points ni Roger Pogoy kasunod ang 17 ni Mike Tolomia at tig-16 nina Mac Belo at Raymar Jose.
“I don’t think we’re successful defensively. The boys still need to work on their defense,” sabi ni mentor Nash Racela sa FEU na hangad ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Ito rin ang target ng Tigers ni Bong Dela Cruz makaraang gibain ang Adamson Falcons, 70-64.