MANILA, Philippines – Minsan na niyang napanood maglaro ang Gilas Pilipinas. At hindi niya naitago ang kanyang paghanga sa ipinakitang puso ng Nationals.
Kaya naman sa darating na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China ay isa si Curry sa mga susuporta para sa Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin.
“Show some heart and hopefully you can achieve whatever goal you’ve set,” wika ng 27-anyos na 2015 NBA Most Valuable Player.
Nakasuot ng itim na damit, cap at bag ng ineendorsong Under Armour, dumating kahapon ng umaga si NBA superstar Stephen Curry sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Si Curry, ang naging susi sa paghahari ng Golden State Warriors sa nakaraang NBA Finals laban sa Cleveland Cavaliers ni LeBron James, ay nanggaling sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang press conference sa Fairmont Makati ay nagpakuha ng larawan kay Curry ang artistang si Daniel Padilla na nagsabing “dream come true” ito para sa kanya.
Kinahapunan ay nagtungo ang 27-anyos na NBA star sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City bilang bahagi ng five-city, three-country roadshow ng Under Armour.