MANILA, Philippines – Magiging makinang ang gagawing hosting ng University of the Philippines sa 78th UAAP season dahil sa napipintong pagtapak uli sa Final Four ng Maroons sa men’s basketball.
Mismong ang rookie head coach na si Rensy Bajar ang nagtiyak nito base sa impresibong ipinakita ng Maroons sa mga pre-season tournaments na sinalihan.
Nagkampeon ang Maroons sa FilSports Basketball Association nang tinalo ang paboritong Foton. Tumulak pa ang koponan sa Taipei at nagtala ng tatlong panalo sa apat na exhibition matches.
Walong beterano ang magagamit ni Bajar sa taong ito, kasama sina Paul Desiderio at Jett Manuel na hindi nakalaro noong 2014 na kung saan ang Maroons ay may isang panalo lamang sa 14 laro.
“Marami kaming off-season na sinalihan at maganda ang experience na nakuha namin. Definitely ay mahihigitan namin ang performance last year. We are aiming for the Final Four this year at achievable ito dahil balance ang team ngayon,” wika ni Bajar na isang batikang point guard noong naglalaro pa.
Ang nakatabla sa huling puwesto ng UP na Adamson Falcons ay may kumpiyansa rin na babangon ngayong season.
Si Mike Fermin ang tinapik para gabayan ang Falcons pero hindi tulad ni Bajar, mahigitan lamang ang isang panalo ay kontento na ang rookie coach na dating assistant sa bench.
“Nawala sa amin si Don Trollano at Jansen Rios na nagsama sa 30 points at 10 rebounds. Kulang din kami sa malalaki kaya ang modest goal namin ay to win as many games and improve on our performance last year,” wika ni Fermin.
Limang beterano lamang ang aasahan ni Fermin sa taong ito kaya naman ang nais niya ay lahat ng players na hawak ay tumulong para sa opensa at depensa.
May import din ang Falcons sa katauhan ni 6’8 Cherif Sarr at bagamat nagsisimula pa lamang sa paglalaro ay tiwala si Fermin na tutulong ito sa depensa at rebounding.
“Iyon ang challenge ko sa kanya na kumuha ng at least 10 rebounds a game at tumulong sa depensa. Wala kaming maasahan na ilan players na siyang magdadala sa team kaya ang sabi ko ay kailangan lahat ay tumulong para makasilat kami,” wika pa ni Fermin.