MANILA, Philippines – Ikatlong sunod na panalo ang nairehistro ng Perlas Pilipinas nang durugin ang Hong Kong, 75-62, sa FIBA Asia Women’s Championship Level II kahapon sa Wuhan, China.
Sa ikalawang yugto uli nagsimulang magtrabaho ang Pambansang koponan nang hawakan nila ang 26-13 abante, upang lumobo ang isang puntos kalamangan sa first period.
Si Afril Bernardino ay nagtala ng 16 puntos, 5 rebounds, 5 steals at tig-isang steals at blocks upang suportahan ang 20 at 19 na ginawa nina Allana Lim at Camille Sabile.
May 3-1 karta ang Pilipinas at kasalo ngayon ang North Korea at Kazakhstan.
Natalo sa North Korea kamakalawa, ang Kazakhstan ay bumawi sa Sri Lanka, 78-50, habang ang North Korea ay nagwagi sa Malaysia, 83-45, para bumaba sa 2-2 ang huli.
Katipan ngayon ng Pilipinas ang Kazakhstan at ang magwawagi ang siyang lalapag sa isa sa dalawang mangungunang koponan sa pagtatapos ng single-round elimination.
Ang dalawang bansa na mangunguna sa Level II ay babangga sa dalawang mangungulelat sa Level I para madetermina kung sino ang aabante sa mas mataas na grupo sa 2017 edisyon.
Paborito ang North Korea na makuha ang isa pang puwesto na uusad sa playoff dahil kalaban nila ang Hong Kong. (AT)