BANGKOK – Ibinigay na ni bantamweight Mario Fernandez ang lahat ng kanyang makakaya, ngunit hindi pa rin ito sapat para talunin niya ang nakaharap na top-seeded foe mula sa Kazakhstan.
Natalo si Fernandez kay Kairat Yeraliyev, 0-3, para tuluyan nang masibak sa 2015 ASBC Asian Boxing Championships dito.
Ginamit ni Fernandez ang kanyang left hooks subalit mas nakontrol ni Yeraliyev ang laban patungo sa kanyang unanimous victory.
Nauna nang tinalo ni Yeralivez si Fernandez sa kanilang pagtutuos noong 2013.
“Tumatama talaga yung mga hook ko. Pero maganda rin ang straight niya,” sabi ni Fernandez.
Dahil sa mga suntok ni Fernandez ay nagkaroon ng putok si Yrelivez sa magkabilang kilay sa first round.
Ang ikalawang sugat sa mata ni Yeraliyev ay bunga ng accidental headbutt sa huling mga segundo ng second round.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng ABAP-PLDT Philippine team sa Kazakhstan matapos ang pagyukod ni lightweight Charly Suarez kay Zakir Safiullin noong Sabado ng gabi.
Dahil sa kabiguan nina Suarez at Fernandez ay hindi na nila nakamit ang hinahangad na tiket para sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oktubre.
Nakatakda pang lumaban kagabi sina light-fly Rogen Ladon kontra kay Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan at si welterweight Eumir Felix Marcial katapat si No. 2 seed Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Kung mananalo sina Ladon at Marcial, kapwa nagtala ng 3-0 panalo sa preliminary bouts, ay aabante sila sa quarterfinals.