(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. Arellano vs St. Benilde
3 p.m. UST vs FEU
MANILA, Philippines – Inangkin na ng National University Lady Bulldogs ang ikalawang puwesto sa semifinals sa 25-22, 25-23, 25-11, panalo sa UST Tigresses sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Alam ang kahalagahan ng makukuhang panalo, humugot ng solidong laro ang NU sa mga inaasahan na sina Dindin Manabat, Myla Pablo, Jaja Santiago at Jorelle Singh para itaas ang win-loss record sa 5-1 baraha.
Nagsanib sina Manabat at Pablo sa 18 kills habang ang magkapatid na sina Manabat at Santiago ay may pinagsaluhang anim na blocks para hawakan ng Lady Bulldogs ang 37-24 at 9-2 kalamangan sa attack at block points.
Dahil nahirapang pumuntos, ang walong puntos ni Carmela Tunay ang siyang pinakamataas na puntos na nakuha ng Tigresses sa kanilang manlalaro para makatabla ang FEU Tamaraws sa 4-2 baraha.
Ang pangyayari ay nagresulta upang mabuhay pa ang paghahabol ng Arellano Lady Chiefs ng playoff sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Kailangan ng Arellano na manalo sa St. Benilde Blazers sa Setyembre 5 para okupahan ang playoff spot laban sa matatalo sa pagitan ng UST at FEU na siyang pangalawang laro sa darating na Sabado.
Naipakita rin ng UP Lady Maroons ang galing nang kunin ang unang panalo sa yugto sa pamamagitan ng 18-25, 25-16, 25-19, 25-19, panalo sa Lady Blazers.
May 18 kills tungo sa 20 puntos si Justine Dorog habang sina Isabel Molde, Diana Mae Carlos at Marian Alisa Buitre ay may 14, 12 at 11 puntos para itulak ang St. Benilde sa 0-6 baraha.