Laro Ngayon (Xinchuang Gymnasium, Taipei)
3 p.m. Iran vs Japan
5 p.m. Gilas Pilipinas vs Korea
TAIPEI – Ipinakita ni point guard Terrence Romeo na karapat-dapat siyang maging miyembro ng Gilas Pilipinas.
Isinalpak ni Romeo ang krusyal na three-point shot at isang acrobatic layup sa huling 1:16 para tulungan ang Nationals sa 77-69 panalo laban sa Chinese Taipei A sa kanilang unang laro sa 2015 Jones Cup kagabi dito sa Xinchuang Gymnasium.
Nauna nang itinayo ng Gilas Pilipinas ang malaking 18-point lead, 42-24, mula sa dalawang free throws ni Calvin Abueva sa 4:16 minuto ng second period.
Isang 23-5 atake buhat sa 31-49 agwat ang inilunsad ng Chinese Taipei A para itabla ang laro sa pagtatapos ng third quarter, 54-54.
Isang 7-0 ratsada ang ginawa nina Romeo, Abueva, Gary David at Marc Pingris para muling ilayo ang Nationals sa 61-54 sa 7:48 minuto ng final canto bago nakadikit ang Taiwanese sa 65-68 agwat sa 2:46 minuto nito.
Isinalpak ni Romeo ang isang tres kasunod ang jumper ni Jayson Castro matapos ang turnover ng Chinese Taipei A para kunin ang 73-65 kalamangan sa 1:48 minuto ng laro.
Samantala, kaagad inangkin ng four-time champion Iran at ng Spartak Primorye ng Russia ang liderato makaraang umiskor ng tig-dalawang sunod na panalo.
Pinabagsak ng Iran ang South Korea, 77-46, sa opening day noong Sabado bago isinunod ang Chinese Taipei B, 88-66, kahapon.
Ipinoste ng mga Iranians, ang gold medal winner noong 2013 FIBA Asia Championship sa Manila, ang 2-0 record.
Tinalo rin ng Spartak Primorye ang South Korea, 84-86, para sa kanilang 2-0 baraha sa torneo.
Unang tinalo ng mga Russians ang USA Select-Overtake, 84-65.
Nakatakdang labanan ng Iran ang Japan ngayong alas-3 ng hapon kasunod ang upakan ng Gilas at South Korea sa alas-5.
Sa panalo ng Iran sa Chinese Taipei B ay kumamada si Sajjad Mashayekhi ng tatlong triples para tumapos na may 20 points, habang may 16 points naman si Hamed Afagh mula sa kanyang apat na triples.
Sa iba pang laro, binigo ng Wellington Saints ng New Zealand ang Chinese Taipei B, 102-85, habang pinataob ng Chinese Taipei B ang Japan sa overtime, 84-82.
Haharapin ng Gilas ang South Korea para sa muli nilang pagkikita matapos noong 2013 FIBA Asia meet sa Manila.
Tinalo ng Nationals ang Koreans sa nasabing torneo bago nakaganti ang huli sa Asian Games sa Incheon noong 2014.