Lady Blaze spikers paborito pa rin sa PSL Grand Prix

MANILA, Philippines - Labanan ng mga matitikas na club teams sa women’s volleyball ang matutunghayan sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magsisimula sa Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Mangunguna sa mga sasali ay ang back-to-back champion Petron Lady Blaze spikers at patuloy na magiging paborito dahil inaasahang babalik ang mga manlalarong nagtulung-tulong sa naitalang 13-0 sweep noong nakaraang edisyon.

Ang Brazilian setter na si Erica Adachi ay magbabalik at posibleng itambal sa isa pang Brazilian na si Rupia Inck na sasama sa Lady Blazers sa paglahok sa Asian Women’s Club Championship sa Ha Nam, Vietnam mula Setyembre 12 hanggang 20.

May limang iba pang koponan ang kumpirmadong sasali na at kasama rito ang Meralco na napa­lakas nang kunin ang UAAP multi-titled team La Salle Lady Archers.

Magbabalik din ang Cignal, Foton, Philips Gold habang sasali uli ang RC Cola-Air Force matapos ang isang taong pamamahinga dahil karamihan sa kanilang manlalaro ay sumailalim sa basic military training.

Isa pang koponang nagpahinga ay ang three-time champion Philippine Army at naghahanap na lamang ng corporate sponsor upang pormal na bu­malik sa ligang inorganisa ng SportCore.

“This year’s Grand Prix will be more competitive,  more intense with the participation of strong teams with good reputation in women’s volleyball,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara. “We already have six teams but the possibility of having two to three more teams brings more excitement to the league.”

Isa pang dapat aba­ngan sa liga ay ang pagpasok ng mga de-kalibre at magagandang imports na tiyak na hahakot ng manonood sa liga.

Show comments