Pinoy cyclists papadyak sa World Championship
MANILA, Philippines – Gagawa ng kasaysayan ang Philippine Cycling sa pamamagitan ng paglahok sa World Cycling Championship mula Setyembre 20 hanggang 27 sa Richmond, Virginia, USA.
Nagkaroon ng pagkakataon ang bansa na makapagpadala ng koponan sa prestihiyosong torneo sa bisikleta matapos masama sa unang pitong bansa sa Asya.
Binilang ang mga UCI points ng mga siklistang sumali sa mga UCI-sanctioned events at ang bansa ay nasama sa Kazakhstan, Korea, Iran, Japan, Hong Kong at Lebanon na pumasa sa World event.
Ang men’s under-23 ang balak isali at sila ay makikipagtuos sa mga bigating siklista sa buong mundo.
Sina John Mark Camingao, Rustom Lim, Ronald Lomotos at Dominic Perez ang mga pinagpipilian para ipadala sa nasabing torneo.
Nagpasabi na ang LBC at Standard Insurance ng kahandaan na tumulong sa gastusin ng delegasyon ngunit hinihingi pa ng PhilCycling ang tulong galing sa Philippine Sports Commission (PSC) para ituloy ang plano sa paglahok.
Para makapasok sa 2016 Olympics, dapat tumapos ang Pilipinas sa unang apat na puwesto sa Asian rankings.
Nasa ikaanim sa ngayon ang Pilipinas bitbit ang 223 puntos habang ang mga nasa unahan ay ang Iran (1337), Kazakhstan (460), Japan (448), Hong Kong (238) at Korea (276). (AT)
- Latest