5-boxers palaban sa ginto--ABAP
MANILA, Philippines – Tiniyak ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na pawang mga palaban para sa gintong medalya ang limang boksingerong kanilang isasabak sa Asian Confederation Boxing Championships na magsisimula bukas sa Bangkok, Thailand.
Ang mga ito, ayon kay ABAP executive director Ed Picson, ay sina Rogen Ladon (48kg), Ian Clark Bautista (52kg), Mario Fernandez (56kg), Charly Suarez (60kg) at Eumir Felix Marcial (60kg).
“We are confident of our chances,” sabi kahapon ni Picson sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s Malate.
Sina Ladon, Bautista, Fernandez at Marcial ay nag-uwi ng gintong medalya sa kanilang mga dibisyon sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Ang Asian Championships ay ang qualifying event para sa AIBA World Boxing Championships na nakatakda sa Oktubre 7-17 sa Doha, Qatar.
Ang AIBA World Boxing Championships ay tumatayong qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
- Latest