Thompson pamilyar sa Triangle Offense ni Cone

MANILA, Philippines – Isang malaking karangalan para kay University of Perpetual Help star guard Earl Scottie Thompson ang makapaglaro para sa Barangay Ginebra at kay two-time Grand Slam coach Tim Cone.

Hinugot ng Gin Kings si Thompson, ang 2014 NCAA Most Valuable Player, bilang No. 5 overall pick sa 2015 PBA Rookie Draft kahapon sa Robinsons Place sa Ermita, Manila.

“Alam natin na No. 1 sila sa crowd saka sobrang sarap maglaro para sa Ginebra,” wika ng 6-foot-1 na si Thompson na hangad ang kanyang ikalawang sunod na MVP trophy sa kasalukuyang 91st NCAA men’s basketball tournament.

Kung mapapapirma ng kontrata ay makakalaro ni Thompson sa Gin Kings sina one-time PBA MVP awar­dees Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand bukod pa kina LA Tenorio at Sol Mercado.

“Sa veterans palang nila sobrang blessed na ako kasi alam kong ang dami kong matututunan sa kanila,” sabi ni Thompson.

Pamilyar din ang star ng  Altas sa ginagamit na ‘Triangle Offense’ ni Cone dahil ito rin ang pinapatakbo ni mentor Aric Del Rosario sa Perpetual.

Si Del Rosario ay dating assistant ni Cone sa Alaska sa PBA.

Show comments