Laro sa Martes
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. San Beda vs EAC
4 p.m. Letran vs SSC
MANILA, Philippines - Binawian ng West All Stars and East All Stars sa kapana-panabik na 89-88 come-from-behind panalo sa ikalawang edisyon ng NCAA All Star Game kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Mark Cruz ay nagsalpak ng dalawang free throws ng wala ng oras sa laro para makumpleto ng West ang pagbangon mula sa pitong puntos na pagkakalubog (81-88).
Magkasunod na triples ang ginawa ni Jonathan Grey para idikit ang West sa 87-88 bago napuwersa si Arthur dela Cruz sa inbound error sa huling apat na segundo.
Kumaripas si Cruz at pumukol sa half court ngunit pinalad siya na napasabit si Jamil Ortuoste para mabigyan ng tatlong free throws.
Naipasok ng batikang manlalaro ng Letran ang unang dalawang free throws para sa panalo.
Nanguna si Grey sa West sa kanyang 20 puntos at siya ang kinilala bilang MVP ng laro.
Nauna rito ay kinilala si Cruz bilang 3-point king nang tinalo si Wilson Baltazar sa finals, 18-9.
Nanguna si Cruz sa elimination round sa 26 puntos habang si Baltazar ay mayroong 22. Ang dating kampeon na si Travis Jonson ay may 21 lamang para mahubad ang titulo.
Nakabawi naman si Jebb Bulawan ng Lyceum sa pagkatalo sa slam dunk noong nakaraang taon nang angkinin ang titulo sa perfect dunk sa dunk-off nila ni Yankie Haruna ng St. Benilde.
Tinalunan ni Bulawan sina Joseph Gabayni at Shaq Alanes tungo sa dalawang kamay na dunk para sa tatlong 10 score habang si Haruna na nanguna sa elims ay sumablay sa kanyang tatlong attempts para pumangalawa lamang.