Laro Ngayon (Rizal Memorial Coliseum)
10 a.m. opening ceremony
11:30 a.m. LSCA vs DLSZ (Jrs)
1 p.m. SPCP vs SPPC (Midgets)
2:30 p.m. PWU vs CEU (Seniors)
MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng Centro Escolar University ang pakay na ikalimang sunod na kampeonato sa basketball sa pagharap sa host Philippine Women’s University sa pagbubukas ng 46th WNCAA sa Rizal Memorial Coliseum.
Pormal na itataas ang telon ng liga sa ganap na alas-10 ng umaga at inimbitahan bilang panauhing pandangal ay si Ada Milby na kasapi ng Lady Volcanoes na nanalo ng bronze medal sa women’s rugby sa Singapore SEA Games.
Ang nagdedepensang kampeon sa juniors na La Salle College Antipolo ay haharap sa De La Salle Zobel sa alas-10 ng umaga bago sundan ng aksyon sa midgets sa hanay ng St. Paul College Pasig (SPCP) at Saint Pedro Poveda College (SPPC).
Dakong 2:30 ng hapon ang aksyon sa seniors at ang Lady Scorpions ay inaasahang mapapalaban sa PWU Patriots na nais na pagningningin ang hosting sa pagsungkit ng mga kampeonato sa walong sports na paglalabanan sa seniors division.
Kasabay na bubuksan ngayon ay ang aksyon sa volleyball sa St. Scholastica’s College gym.