Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
2 p.m. Skills challenge
4 p.m. All Star Game
MANILA, Philippines - Magtatangka ang EAST All Stars na ulitin ang dominasyon na ginawa sa West All Stars sa gaganaping 2nd NCAA All-Star Game ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Si San Beda Red Lions coach Jamike Jarin ang siyang didiskarte sa koponan na hindi makakasama ang all-around guard na si Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help bunga ng back spasm.
Pero matibay pa rin ang puwersa ng koponan dahil naririyan ang dalawa sa inaasahang maglalaban para sa MVP sa 91st season na sina Arthur dela Cruz ng San Beda at rookie import Bright Akhuetie ng Altas.
Si Jiovani Jalalon ng Arellano Chief ay kasapi rin sa East at siyang inaasahang magdadala sa koponan para maulit ang 104-97 panalo sa West noong nakaraang taon.
Sina Dela Cruz, Teodoro at Bradwyn Guinto ng San Sebastian Stags ay kasama sa All Star Game noong nakaraang taon at makakatulong nila ngayon sina Zach Nicholls at Kent Salado ng Arellano Chiefs, Ryusei Koga at Michole Sorela ng San Beda, Jamil Ortuoste at Michael Calisaan ng San Sebastian Stags, Bernabe Teodoro, Abdul Razak, Jordan dela Paz ng Jose Rizal U Heavy Bombers, Gab Dagangon at John Ylagan ng Altas.
Si Ylagan ang pumalit sa puwesto ni Thompson.
Tiyak na handa naman ang West na maipaghiganti ang tinamong kabiguan noong nakaraang taon sa pamumuno ni Letran coach Aldin Ayo.
Ang mga alagad sa Knights na sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal ang mga mangunguna sa ilalatag na matibay na depensa para maposasan ang mga pupuntos sa East team.
Bago ang laro ay may skills challenge sa alas-2 ng hapon at ang mga maglalaban sa 3-point shootout ay pangungunahan ng nagdedepensang si Travis Jonson ng St. Benilde laban kina Cruz, Wilson Baltazar ng Lyceum, Ryan Costelo ng Baste, Gerald Dizon ng Perpetual, Jozhua General ng EAC, Paolo Pontejos ng JRU, AC Soberano ng San Beda, Exi Biteng ng Mapua at Ken Zamora ng Arellano.