MANILA, Philippines - Makakaasa na preparadong-preparado si Fil-Am runner Eric Cray para sa 2016 Rio Olympics.
Ito ay dahil ibinigay ng Philippine Olympic Committee (POC) ang suportang idinulog niya para sa paghahanda sa pinakamalaking kompetisyon na haharapin ng bansa sa susunod na taon.
“Sumulat na si POC president Jose Cojuangco Jr. kay PSC chairman Ricardo Garcia para i-endorse ang recommendation sa pagsuporta kay Cray,” wika ni Romy Magat, ang Philta secretary general na siyang cluster head ng athletics sa POC.
Hindi bababa sa 17 competitions ang sasalihan ni Cray sa pagpasok ng 2016 hanggang sapitin ang Rio Games. Bago ito ay may dalawang kompetisyon muna siyang sasabakan sa taong ito na World Championships sa Beijing, China mula Agosto 22 hanggang 30 at ang Thailand Open sa Setyembre 6 hanggang 9.
Si Cray ang kauna-unahang atleta ng Pilipinas na nakapasok na sa Olympics sa larangan ng 400m hurdles.
“Humingi na ang POC sa PSC ng supplemental budget na $36,410 (halos P1.5 milyon) para sa pagsali niya sa dalawang tournaments bago matapos ang taon. Sa 2016 ay nasa $66,330.00 (halos P3 milyon) ang kailangan niya para sa 17 competitions pero hindi na ito supplemental budget dahil puwede na ito isama ng PATAFA para sa kanyang 2016 budget from the PSC,” paliwanag pa ni Magat.
Sa 17 torneo na sasalihan, walo rito ay gagawin sa Europe, tig-apat ang gagawin sa US at Asia at isa sa Qatar.
Malaki ang paniniwala ng mga sports officials na may laban sa medalya si Cray dahil may sapat siyang oras para pababain ang personal best na 49.12 segundo sa distansya.
Noong nakaraang linggo ay dumating sa Pilipinas ang 27-anyos na si Cray at sinabing target niyang pababain ang oras sa 48 seconds sa World Championships.