PSL nakatuklas ng 28 tankers sa Davao meet, isasabak sa 2017 World University Games

MANILA, Philippines - Nagtagumpay ang hangarin ng Philippine Swimming League (PSL) na ma­katuklas ng mga puwe­deng ipadala sa 2017 Summer World University Games sa Taipei, Taiwan sa isinagawang Davao Swim Meet sa Tagum City Sports Complex noong Sabado.

Umabot sa 28 manla­langoy ang nakapasa sa qualifying times na itinalaga ng PSL para makatiyak ng puwesto sa prestihiyosong swimming meet para sa mga collegiate tankers sa 2017.

Ang mga nakapasok ay sina Christian Paul Anor, Kierl Suazo, Mae Pajarito, Agosto Blanco III, Louise Margaret Cabotan, Mives Shanine Castillo, Christian Catacutan, Monica Cervo, Girly Estares, Brendel Florendo, Lorenzo Garcia, Joshua Gulayan, Jeff Kasim, Peter Lontoc, Joseph Lozano, Gerald Magardia, Yvone Mayo, Juan Antonio Mendoza, Ian Gabriel Natividad, Ray Michael Ocampo, Lorenzo Palacios, Arvin Pormillos, Mohammad Sahiron, Alhaber Saimodin, Ian Rex Timtim, Leah Turdos, Ann Valdez at Jeboy Villar.

“Napapanahon na may mga tankers mula Min­da­nao ang makaranas kung paano maglaro sa malala­king kompetisyon tulad ng World University Games.  Ito ay pauna pa lamang na programa ng PSL sa rehiyon dahil naniniwala kami na marami pang ta­lento ang madidiskubre rito,” wika ni PSL president Susan Papa.

Ang naturang torneo ay bahagi ng 82nd PSL Natio­nal Series at ang programa ay lilipat sa Legazpi City para sa 3rd El Presidente Swim Cup na gagawin sa Mariner’s Polytechnic College Foundation pool.

Bukod sa Universiade, ang iba pang puwedeng salihan ng mga nakapa­sang swimmers ay ang 2015  Royal  Bangkok Swim Meet, 2016 Phuket Invitational Swimming Championship at 2016 Indian Ocean All Star Challenge sa Perth, Australia.

 

Show comments