Tigresses nilapa ang Lady Chiefs

Hinatawan ni Pamela Lastimosa (6) ng UST si Rhea Ramirez (5) ng Arellano. Jun Mendoza

Laro sa Sabado (The Arena, San Juan City)

12:45 p.m. – UP vs UST

3 p.m. – St. Benilde vs NU

MANILA, Philippines – Naibalik ng UST Tigresses ang naunang ma­init na laro para manatiling nakasalo sa ikalawa hanggang ikaapat na puwes­to mula sa 25-21, 25-22,19-25, 24-26, 15-12 panalo sa Arellano Lady Chiefs sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ka­hapon sa The Arena sa San Juan City.

Tumapos si Ennajie Laure taglay ang 23 puntos at ang 20 dito ay mga kills, tampok ang huling da­lawang puntos ng Tigresses para umangat sa 3-1 karta sa ligang inor­ganisa ng Sports Vision ka­tuwang ang Shakey’s at handog pa ng PLDT Home Ultera.

Malaki rin ang papel sa panalo ng team captain na si Pamela Lastimosa na gu­mawa ng 18 puntos, tam­pok ang mga cross-court kills na sumira sa gi­nawang pagbangon ng La­dy Chiefs sa huling set para sa 2-2 karta.

“Ibinalik lang namin ang mga naunang galaw namin sa court noong nakuha na­min ang first two sets.” wika ni Laure na humataw ng dalawang aces at isang block sa labanan.

Tumapos si Lastimosa taglay ang 14 kills at tatlong blocks tungo sa 18 puntos, ha­bang sina Chlodia Cortez at Marivic Meneses ay may 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Patuloy na ibinibigay ni Chlodia ang numerong inaasahan kay Carmela Tu­nay na may injury dahil may siyam  na attack points siya bukod sa tig-dalawang blocks at aces.

Bago ito ay dinurog ng nag­dedepensang FEU La­dy Tamaraws ang St. Be­nilde Lady Blazers, 25-21, 25-6, 25-17, para ilista ang 3-1 karta.

May 10 at 9 kills sina Ber­nadeth Pons at Honey Royce Tubino, ayon sa pag­kakasunod, para higitan ang15 atttack points ng Lady Blazers na sinamahan ang UP Lady Maroons sa huling puwesto sa 0-4 baraha.

Show comments