MANILA, Philippines - Nagbalik si naturalized player Andray Blatche sa team practice ng Gilas Pilipinas matapos magpahinga ng dalawang araw dahil sa kanyang slight groin injury, habang sumama naman si pro-bound Moala Tautuaa sa national pool sa training sa Meralco Gym sa Pasig.
Hindi pa rin nagpapakita hanggang noong Huwebes ng gabi si Marc Pingris na sinasabing nakabalik na mula sa kanilang bakasyon sa France kasama ang kanyang pamilya.
Umaasa pa rin sina Gilas coach Tab Baldwin at team manager Butch Antonio na magpapakita si Pingris.
Sa kanselasyon ng kanilang training camp sa Turkey, sinabi ni Antonio na magdaraos na lamang sila ng team-building session sa labas ng Metro Manila matapos ang MVP Cup sa Sept. 11-13.
Kung maaayos ang kanilang travel documents sa takdang oras ay magtutungo sila sa Estonia para sa isang pocket tourney laban sa mga National teams ng Estonia, Iceland at Netherlands.
Nagkumpirma na rin ang Gilas ng paglahok sa Jones Cup sa Taipei na nakatakda sa Aug. 29-Sept. 6.
“Blatche is back. He’s joined five-on-five slowly,” wika ni Antonio kay Blatche na nagpahinga noong Martes at Miyekules.
Kasalukuyan ding may mga injury at sakit sina Ranidel de Ocampo (pulled hamstring), Dondon Hontiveros (strained calf) at Terrence Romeo (flu virus).
Ang 6-foot-7 namang si Tautuaa ang nagbigay ng pagkakataon kina Asi Taulava at Sonny Thoss na magpahinga sa ensayo.
Si Tautuaa ang prospective top pick ng Talk ‘N Text sa darating na 2015 PBA Rookie Draft.
Pumayag si Tautuaa na maging practice player at “Plan B” (naturalized player backup) ng national team program ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Isang dominant center sa PBA D-League, ang ina ni Tautuaa ay Filipina at ang kanyang ama ay isang Tongan.
Siya ay isang naturalized player sa ilalim ng bagong FIBA rules.
“He’s another example of a kid who makes the sacrifice, which he really doesn’t have to. I’m so proud of him,” sabi ni Baldwin kay Tautuaa.