MANILA, Philippines – Makakaasa na magkakaroon pa ng Run 4 Health Research sa susunod na taon matapos masiyahan ang Philippine Commission for Health Research and Development (PCHRD) sa mainit na pagtanggap ng mananakbo noong Linggo sa CCP Complex sa Pasay City.
Mismong si PCHRD executive director Dr. Jaime Montoya ang siyang nagtiyak nito sa harap ng mga mananakbo sa awarding ceremony.
“Malinaw na naiparating ng Run 4 Health Research ang aming mensahe na mabigyan pansin ang mga makabagong tuklas na ginagawa ng PCHRD para sa pangkalusugan. Dahil nakita natin ang magandang pagtugon sa proyektong ito, makakatiyak kayo na magkakaroon pa ng ganitong patakbo sa susunod na taon para hindi mawala ang interes sa pagsuporta sa mga ginagawa ng PCHRD,” wika ni Montoya.
Katulong ang Department of Science and Technology (DOST) at Council of Health Research and Development. (COHRED), kinumisyon ng PCHRD ang serbisyo ng Streetwise Public Relation and Events Management sa pamumuno ni Kenneth Montegrande para gawin ang patakbo na siyang kickoff event sa Global Forum on Research and Innovation for Health mula Agosto 24 hanggang 27 sa Philippine International Convention Center (PICC).