MANILA, Philippines – Napanatili ng Perpetual Help ang malakas na paglalaro hanggang sa tumunog ang final buzzer para putulin ang dalawang dikit na panalo ng Emilio Aguinaldo College, 68-55 sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Sina Prince Eze at Antonio Coronel ay mayroong 17 at 16 puntos para pangunahan ang 51 puntos ng mga bench players at kinapos lamang sila ng apat na puntos para tapatan ang kabuuang puntos sa laro ng Generals.
“Hindi sila bumigay kahit ano ang ginawa ng EAC,” wika ni Altas coach Aric del Rosario na dumikit sa kalahating laro sa pumapangalawang San Beda Red Lions sa 6-3 karta.
Nagwagi ang Altas kahit si Bright Akhuetie ay nagkaroon lamang ng season low isang puntos nang wala siyang naipasok sa walong attempts,
Kahit si Earl Scottie Thompson ay wala rin sa kondisyon sa pagpuntos dahil sa pagkakaroon lamang ng apat na marka.
Inilabas din siya sa laro sa huling 6:31 ng labanan bunga ng sprained left ankle nang napatapak ang paa ni Laminou Hamadou sa kanya.
“Hindi naman grabe ang injury ni Scottie,” ani pa ni Del Rosario kay Thompson na may 12 rebounds, 6 assists at isang steal.
Sina Francis Munsayac at Hamadou ay may 18 at 12 puntos para sa Generals na nakasalo ngayon sa St. Benilde at San Sebastian sa 2-6 baraha.
Naghatid naman ng 18 puntos sa huling yugto si Bernade Teodoro at 13 rito ang nagpasiklab sa 24-3 palitan para ibigay sa JRU Heavy Bombers ang 90-87 panalo laban sa Mapua Cardinals sa unang laro.
Umakyat sa 5-3 karta ang JRU para solohin ang pang-apat na puwesto.
Jose Rizal 90 – Teodoro 32, Dela Paz 20, Pontejos 16, Cruz 8, dela Virgen 5, Abdul Wahab 4, Poutouochi 3, Sanchez 2, Lasquety 0, Aurin 0.
Mapua 87 – Oraeme 25, Que 19, Biteng 14, Menina 8, Stevens 6, Aguirre 5, Brana 4, Raflores 4, Serrano 2.
Quarterscores: 20-21; 38-34; 53-64; 90-87.
Perpetual Help 68 – Eze 17, Coronel 16, Oliveria 8, Dagangon 8, Dizon 5, Thompson 4, Tamayo 2, Bantayan 2, Gallardo 2, Cabiltes 2, Akhuetie 1, Sadiwa 1, Pido 0
EAC 55 – Munsayac 18, Laminou 12, Onwubere 8, Pascua 6, Mejos 3, Morada 3, Corilla 3, General 2,.
Quarterscores: 12-all; 30-23; 48-38; 68-55. (AT)