MANILA, Philippines – Gusto ng mga sports officials na ipadalang muli sa ibang bansa si Hidilyn Diaz para mapalabas ang potensyal nitong manalo sa 2016 Olympic Games.
Beterana ng Beijing at London Olympics, si Diaz ay bumaba ng timbang at ngayon ay kumakampanya sa 53 kilograms na pinaniniwalaang magiging palaban para sa gintong medalya sa 2016 Rio Olympics.
“Nag-usap na kami ni PSC chairman (Ricardo) Garcia and as much as possible ay ipadadala natin siya sa ibang bansa ay doon na siya hanggang sa magsimula ang Olympics,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr.
Nagwagi si Diaz sa Southeast Asian Weightlifting Championship sa Thailand noong Hunyo sa 213-kilogram marka.
Kung ito ay ihahambing sa resulta sa London Olympics, siya ay nasa ikaapat na puwesto kasunod nina Chinshanlo Zulfiya ng Kazakhstan (226kg), Hsu Shu Ching ng Chinese-Taipei (219kg.) at Iovu Cristina ng Moldova (219kg).
“Naniniwala ako na hindi pa naaabot ni Hidilyn ang kanyang true potential kaya talagang itotodo na natin ito hanggang sa matapos,” dagdag ni Cojuangco.
Suportado ito ni Garcia na idinagdag pa na tutukan din ang preparasyon nina Fil-Ams Eric Cray at Daniel Caluag na puwedeng manalo sa 400m hurdles sa athletics at BMX events.
Si Cray ang kauna-unahang atleta ng Pilipinas na nakapasok sa Rio Games, habang inaasahang susunod si Caluag na isang Incheon Asia Games at Singapore SEA Games gold medalist bukod sa beterano ng London Olympics.
“We are waiting for their coaches’ proposal as far as their training is concern. But one thing is sure, we will expose them to as many tournaments as possible without hampering their physical strength,” wika ni Garcia.