OAKLAND, Calif. – Hinugot ng NBA champions na Golden State Warriors si forward/center Jason Thompson mula sa Philadelphia 76ers bilang kapalit ni forward Gerald Wallace na nakuha nila mula sa Boston Celtics sa trade kay David Lee.
Ito ang inihayag ng Golden State na magbibigay din sa Philadelphia ng cash at draft considerations.
Sinabi ni Warriors general manager Bob Myers na si Thompson ‘’adds considerably to our team’s depth, which was a big key to our success last season and will be moving forward.’’
Nakita ang 29-anyos na si Thompson sa 81 games sa nakaraang season at nagtala ng mga averages na 6.1 points at 6.5 rebounds na tinampukan ng pitong double-doubles.
Kinuha siya ng Sacramento Kings bilang 12th overall pick noong 2008 draft.
Dinala si Thompson sa Philadelphia mula sa Sacramento kasama sina Carl Landry at Nik Stauskas.
Sa Dallas, hinugot ng Mavericks si free-agent forward Jeremy Evans, ang 2012 slam dunk champion sa NBA All-Star Weekend.
Nagposte si Evans ng mga averages na 3.7 points at 2.7 rebounds sa limang seasons para sa Utah Jazz.
Ang 6’9 na si Evans ay ang second-round pick ng Utah noong 2010.
Siya ang career blocks leader sa Western Kentucky sa itinala niyang 224.
Makakasama ni Evans sa Mavericks bilang backup sina Charlie Villanueva at Dwight Powell.
Sa Denver, pinapirma ng Nuggets si top pick Emmanuel Mudiay sa isang multiyear deal.
Hinirang na seventh overall selection, aasahan ng Nuggets ang 19-anyos na si Mudiay matapos nilang ipamigay si veteran guard Ty Lawson sa Houston Rockets.
Maganda ang inilaro ni Mudiay sa nakaraang Summer League sa Las Vegas para sa Denver.
Naglista siya ng mga averages na 12 points at 5.8 assists para sa Nuggets.
Dahil sa mahusay niyang inilaro ay kinilala si Mudiay sa All-NBA Summer League Second Team.
Sinabi kamakailan ni general manager Tim Connelly na kumpiyansa siyang kaagad makukuha ni Mudiay ang sistema ng bagong coach na si Michael Malone.
Inaasahang makakatuwang niya si veteran point guard Jameer Nelson sa backcourt.
Nauna nang naglaro si Mudiay sa Chinese Basketball Association kung saan siya nagsalansan ng average na 18 points noong nakaraang season.