Cignal HD Spikers B asam ang semis sa Challenge Cup
MANILA, Philippines - Matapos maging unang koponang sumikwat ng quarterfinals seat, hangad naman nina Wensh Tiu at April Ross Hingpit ng Cignal HD Spikers B na maibulsa ang unang semifinals ticket.
Lalabanan ng Cignal Spikers HD B ang Meralco ngayong alas-2:30 ng hapon sa quarterfinal round ng PLDT Home Ultera Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup 2015 na pinalakas ng Smart Live More sa SM By the Bay sa SM Mall of Asia.
Kaagad pinitas nina Tiu at Hingpit ang unang quarterfinals berth nang kumamada ng dalawang sunod na panalo sa pagbubukas ng torneo noong Hulyo 18.
Kinuha ng Cignal HD Spikers B ang 21-16, 21-13 panalo laban sa Petron Sprint 4T bago iposte ang 21-12, 21-12 tagumpay kontra sa Accel Quantum Plus-Perpetual Molino B.
Samantala, makakatapat ng Foton Tornadoes ang Philips Gold sa alas-4 kasunod ang paghaharap ng Amy’s at Gilligan’s sa alas-4:40 sa torneong inorganisa ng SportsCore katuwang ang Accel, Sands By the Bay at Maynilad.
Mapapanood din sa mga aksyong isasaere ng TV 5 ang laban ng Foton Hurricane at Petron XCS sa alas-3:20.
- Latest