Pacquiao posibleng mapaaga ang pagbabalik sa training
MANILA, Philippines - Kung kamakailan ay halos isumpa ni Bob Arum si Manny Pacquiao dahil sa kabiguan nitong magtungo sa United States para sa follow-up check up sa kanyang inoperang kanang balikat.
Ngunit sa isang panayam ng ThaBoxingvoice.com ay kalmado na ang pamosong promoter.
Ito ay dahil sa ipinadala sa kanyang video ng Filipino world eight-division champion kung saan niya nakita ang magandang kondisyon nito.
“He sent us a video and the therapists are stunned at his progress,” sabi ni Arum kay Pacquiao. “They said he could be back at the end of this year.”
Sumailalim si Pacquiao sa isang surgery para sa kanyang right shoulder injury dalawang linggo matapos ang kanyang unanimous decision loss kay Floyd Mayweather, Jr.
Anim hanggang walong buwan ang panahon na ibinigay sa 36-anyos na si ‘Pacman’ para maka-recover mula sa naturang surgery.
Ngunit dahil sa mabilis na paghilom ng sugat ng Sarangani Congressman ay inaasahang mas mapapaaga ang pag-eensayo nito.
Isa si WBO light welterweight champion Terence Crawford na maaaring labanan ni Pacquiao sa susunod na taon bukod pa kay British star Amir Khan sa Dubai.
Nauna nang nadismaya si Arum dahil sa kabiguan ni Pacquiao na magtungo kay Los Angeles surgeon Neal ElAttrache para sa isang follow-up check-up sa kanang balikat niya.
- Latest