Liderato itataya ng Knights sa pagsagupa sa Chiefs
MANILA, Philippines - Patatatagin ng Letran Knights ang pangunguna sa 91st NCAA men’s basketball tournament sa pagharap sa Arellano Chiefs ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang Knights ang natatanging koponan sa liga na hindi pa natatalo matapos ang limang laro bagay na ayon sa kanilang rookie coach Aldrin Ayo ay isang magandang pangyayari pero hindi garantiya ng titulo sa koponan.
“We are in the right position, good position. But in terms of achievement, we have not achieve anything yet. It’s still a long way to go, ilan pa, 13 games pa,” wika ni Ayo na No. 2 sa depensa sa ibinigay na 48.6 puntos sa kalaban.
Sa linyang ito ay umaasa si Ayo na hindi makukuntento ang kanyang mga manlalaro sa magandang panimula at patuloy na kakikitaan ng intensidad sa opensa at depensa.
Ang laro ay itinakda sa alas-4 ng hapon at tiyak na susukatin sila ng Chiefs na may apat na sunod na panalo upang malagay sa pangatlong puwesto kasunod ng San Beda Red Lions na may 5-1 baraha.
“We have to come out prepared lalo na sa kanilang depensa. Very disruptive ang press nila but we will find a way to solve that,” pahayag ni Chiefs coach Jerry Codiñera.
Si Jiovani Jalalon ang maghahatid ng liderato para sa Chiefs na aasa rin kina Michael Salado, Zach Nicolls at Dioncee Holts upang magkaroon ng triple-tie sa unang puwesto sakaling manalo sila.
Pagsisikapan muna ng host Mapua Cardinals ang masungkit ang ikalawang sunod na panalo laban sa Lyceum Pirates sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon.
- Latest